Mga motorista sa EDSA hinikayat mag-carpool ng MMDA; pero pinayuhang huwag magsakay ng estranghero

Sa pagpapatupad ng High Occupancy Vehicle sa EDSA, nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mahikayat ang mga motorista na mag-carpool.

Pero ayon sa MMDA, hindi naman nila pinapayuhan ang publiko na magsakay ng mga estranghero o mga hindi nila kakilala.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na maari namang magsabay-sabay sa iisang sasakyan ang mag-asawa, magkaklase, magkatrabaho o magkapitbahay.

“Ine-encourage po natin sila na mag-carpool, pero hindi po natin sinasabing magsakay sila ng stranger. Ang sinasabi namin baka pwedeng isang pamilya kayo, mag-asawa mag-isang sasakyan na lang kayo. Baka mag-officemate kayo o magkaklase sa school, o pwedeng magkapitbahay na isa lang ang pupuntahan ninyo, yun po ine-encourage natin ang carpool po,” ayon kay Garcia.

Sa datos ng MMDA, 300,000 na sasakyan ang dumadaan sa EDSA kada 24 na oras at 70 porsyento nito ay driver lang ang sakay.

Read more...