Arestado sa ikinasang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 10 at mga tauhan ng Philippine National Police – CIDG ang isang retiradong pulis na target drug personality ng mga otoridad.
Nadakip si Retired SPO4 Ruben Vilbar nang isilbi ng mga operatiba ng PDEA at PNP ang search warrant na inisyu ng korte sa Cagayan De Oro City laban sa kaniya.
Ayon kay PDEA Region 10 Dir. Wilkins Villanueva, nakuha mula sa bahay ni Vilbar sa Barangay Poblacion, Lugait Misamis Oriental ang sampung sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000.
Nakuha din sa pag-iingat ng suspek ang isang caliber 38 revolver, isang caliber 45 pistol, iba’t ibang mga bala, magazines para sa caliber 45 at m16 at isang rifle grenade.
Ani Villanueva, ang bahay ni Vilbar na pinagtataguan niya ng mga illegal na droga at armas ay 30 metro lang ang layo sa Lugait National High School.
May dinatnan ding tatlong sasakyan sa bahay ng suspek.
Sa impormasyong nakakap ng PDEA, si Vilbar ay malapit kay Ardot Parojinog na ilang ulit ding nakitang bumisita sa kaniyang bahay bago tuluyang magtago at kalaunan ay maaresto.