Mga pulis na sangkot sa AK-47 scandal sinibak na

Tuluyan nang tinanggal sa serbisyo ang mga aktibong pulis na sumabit sa ibinunyag ni dating Pangulong Noynoy Aquino na anomalya sa pagbibigay ng lisensiya para sa higit 1,000 piraso ng AK-47 automatic rifles noong 2012 hanggang 2013.

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na tinupad lang nila ang utos ng Office of the Ombudsman noong Mayo 22 at inaprubahan noong Hunyo 14 na sibakin sa serbisyo ang mga pulis dahil sa mga kasong grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Ang mga tinanggal ay sina Chief Superintendent Regino Catiis ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD); Senior Superintendent Eduardo Acierto ng Civil Security Group (CSG); Superintendent Nelson Bautista ng Directorate for Personnel and Records Management-Personnel Holding and Accounting Unit (DPRM-PHAU); Superintendent Ricky Sumalde ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG); Chief Inspector Ricardo Zapata Jr. ng Central Luzon Police Regional Office; at SPO1 Randy Madiam de Sesto at ang non-uniformed personnel (NUP) na si Sol Bargan ng PNP-CSG.

Bunga nito, wala na silang matatanggap na retirement benefits at hindi na sila maaring mga-trabaho sa anumang ahensiya ng gobyerno.

Kasama din sa utos sina retired Chief Superintendent Raul Petrasanta, dating director ng Firearms and Explosives Office (FEO); retired Chief Superintendent Allan Parreno; at retired NUP Nora Pirote, sila ay pinagmumulta ng isang taon katumbas ng kanilang suweldo.

Magugunita na noong 2013 ibinunyag ni dating Pangulong Aquino ang pagkawala ng mga baril at natunton ito sa 1,004 AK-47 rifles na nabigyan ng mga lisensiya para kay Isidro Lozaza, may ari ng Caraga Security Agency.

Nadiskubre naman na ang mga baril ay ibinenta sa New People’s Army (NPA) at 44 sa mga ito ay narekober sa mga engkuwentro.

Read more...