Malacañang at Kamara aayusin ang gusot sa 2019 budget

Inquirer file photo

Magpupulong ngayong gabi sa palasyo ng Malacañang ang mga lider ng Kamara at si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay House Appropriations Committee Chair Karlo Nograles, ito ay matapos hindi pa rin sila magkasundo ng DBM para sa panukalang 2019 budget.

Kasama anya na haharap sa pulong sina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Majority Leader Rolando Anday Jr.

Pag-uusapan anya sa pulong ang pagresolba sa hindi pagkakasundo ng Kamara at DBM sa isyu ng cash-based budgeting at obligation-based budgeting policy.

Sinabi ni Nograles, na nag-usap na sila ni Budget Secretary Benjamin Diokno kanina pero nagmatigas pa rin anya ang DBM sa nais nito na cash-based budgeting.

Dalawang opsyon din lamang anya ang pinagpipilian ng DBM para sa 2019 budget, ito ay ang cash-based budgeting at pagkakaroon ng reenacted budget.

Kung magkakaroon anya ng reenacted budget paliwanag ni Nograles, babalik lahat ng mga tinapyas na budget sa mga ahensya at kailangang bumalik ng sangay ng ehekutibo sa Kamara sa susunod na taon upang humingi ng supplemental budget.

Hindi na kasi anya maaring galawin ang budget na nakalaan para sa proyekto na natapos na ngayong taon.

Read more...