Hinihimok ng Department of Interior and Local Government o DILG ang lahat ng mga lokal na pamahalaan na isaprayoridad ang konstruksyon ng evacuation centers.
Ayon kay DILG Officer in Charge Eduardo Año, gamit ang tinatawag na local disaster risk reduction and management o LDRRM fund, maaaring magpatayo ang LGUs ng evacuation facilities na magagamit ng mga residenteng maaapektuhan ng mga kalamidad gaya ng bagyo o baha.
Sinabi ni Año na inaasatan niya ang LGUs na mag-invest para sa konstruksyon ng mga matitibay, ligtas at “properly-designed” evacuation centers, alinsunod sa national standards.
Paliwanag ng opisyal, sa kasalukuyan ay mga paaralan, covered courts at iba pang imprastraktura ng gobyerno ang nagagamit na evacuation centers, kaya kadalasang naaantala ang klase ng mga estudyante maging ang serbisyo ng mga opisina ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, 30% ng LDRRM fund ay para sa Quick Response habang ang 70% ay maaaring magamit sa “disaster prevention and mitigation, preparedness, response, rehabilitation and recovery,” kabilang na ang pagtatayo ng evacuation centers.
Maliban sa bagyo, sinabi ni Año na kailangang matibay laban sa malakas na lindol ang mga itatayong evacuation centers.
Hindi dapat itayo ang evacuation centers sa high-risk areas, at sa halip ay dapat malapit ang evacuees sa mga ospital at palengke, at may access sa tubig, komunikasyon at kuryente.
Maliban sa mga nabanggit, dapat may hiwalay na palikuran para sa mga babae at lalaki; at kailangan din accessible ang evacuation centers sa mga person with disability.
Ang DILG naman ay magsasagawa ng yearly audit ng mga evacuation center at iba pang related concerns.
Nitong nakalipas na pananalasa ng Habagat sa Metro Manila, pinuri ang mga modular tent sa evacuation centers sa Marikina City, Makati City at Quezon City, pero may mga panawagan pa rin para sa pangangailangan ng evacuation centers.