Ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ng media publicity kapag nagbibigay ng tulong sa mga nasasalanta ng bagyo o iba pang uri ng kalamidad.
Pahayag ito ng palasyo sa gitna ng kritisismo at pagkalat sa social media ng #NasaanSiDuterte sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding at Habagat.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ayaw ng pangulo na ipabatid sa publiko ang ginagawang pagtulong sa kapwa.
Inihalimbawa pa ni Roque ang ginawa ng pangulo noong pasko na nag ikot sa iba’t ibang ospital at nagbigay ng pinansyal na ayuda sa mga maysakit nang walang media coverage.
Ipinaliawanag ng kalihim na nakamonitor naman ng pangulo ang sitwasyon sa Metro Manila at iba pang lugar habang siya ay nasa Davao City.
Katunayan, napaaga pa ang pagluwas ng pangulo noong Linggo para alamin ang sitwasyon ng mga apektadong residente.
Kahapon ay hindi natuloy ang aerial inspection ng pangulo dahil sa masamang lagay ng panahon.
Ngayong araw ay muli itong nabalam dahil sa patuloy na pag-ulan sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan.