(UPDATED AS OF 11:45PM) Lima ang kumpirmadong patay sa sunog na tumupok sa apat na palapag na paupahang bahay sa Tondo, Maynila hapon ng Martes.
Ang lima ay pawang mga nangungupahan sa bahay na pinauunahan ng pamilya Antoque sa No. 304 Sampaloc Street.
Ayon kay Manila District Fire Marshall Jonas Silvano, sa limang nasawi, dalawa lamang ang nakilala na nila dahil malubhang nasunog ang iba pang bangkay.
Kabilang sa nasawi ang isang biktima na dinala sa Gat Andres Memorial Medical Center pero idineklara rin na dead on arrival.
Dinala ang mga nasawi sa Sanctuary Memorial Chapels sa Sta. Cruz.
Ayon kay Senior Superintendent Silvano, umabot sa P100,000 halaga ng ari-arian ang naaabo sa sunog.
Nagsimula ang sunog pasado ala-1 ng hapon. Umabot sa ikalawang alarma ang pagliliyab at idineklarang fire-out bandang alas-4:22 ng hapon.