Makabayan four nagpakita na sa publiko makaraang magtago

Photo: Jong Manlapaz

Taas-kamaong ipinagbunyi ng tinaguriang ‘Makabayan Four’ ang pagbasura ng korte sa ‘double murder’ case laban sa kanila.

Sama-samang dumating para sa isang press conference sa Quezon City Sports Club sina National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza, dating Congressmen Satur Ocampo, Paeng Mariano at Teddy Casiño.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumabas sa publiko ang apat na dating mga mambabatas matapos na magtago ng mahigit dalawang linggo kasunod ng inilabas na warrant of arrest laban sa kanila ni Palayan City  Regional Trial Court Presiding Judge Evelyn Turla noong July 11.

Ayon kay Ocampo, napatunayan na wala silang bahid ng pagtataksil sa bayan at wala aniya silang ginawang krimen.

Naniniwala si Ocampo na mayroong mas pinatinding pagkilos sa ngayon ang estado laban sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno.

Pero giit ng dating tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines sa kanyang mga kasamahan at tagasuporta, kahit pa siya ay mag-ootsenta anyos na ay kasama siya sa magtataguyod sa demokrasya at magtatanggol sa katarungan sa bansa.

Sinabi rin ng grupo na malaki ang kanilang paniniwala na si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang nasa likod ng gawa-gawang mga kaso laban sa kanila.

Read more...