Nagkainitan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sina Sen. Antonio Trillanes at ang magkapatid na sina Ben at Erwin Tulfo.
Sa pagsisimula pa lamang ng hearing ay sinabi na nina Ben at Erwin na nakahanda silang sagutin ang mga bintang na pakakawalan ni Trillanes.
Sa pagtatanong naman ng mambabatas kay dating Tourism Sec. Wanda Teo ay kanyang sinabi na imposible ang naging pahayag nito na hindi niya alam na si Ben Tulfo ang producer ng “Kilos-Pronto” program sa PTV 4 kung saan naglagay ang DOT ng P60 Million na placement ads.
Sinabi rin niya na swerte ang magkakapatid na Tulfo dahil walang death penalty para sa kasong plunder o pandarambong.
Tinanong rin ni Trillanes si Ben Tulfo kung magkano sa kabuuan ang nailagay na halaga ng DOT ads sa kanilang program.
Sumagot si Ben na wala sa kanya ang kumpletong records pero bago siya matapos sa pagsasalita ay kaagad siyang pinutol ni Trillanes sa pagsasabing takot ang magkakapatid at hindi nila maipaliwanag ng maayos ang kanilang panig.
Sinabi pa ni Trillanes na sa harapan lamang ng mikropono matapang ang mga ito.
Bago pa makasagot si Ben Tulfo ay kaagad nang namagitan si Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon at pinagsabihan ang magkabilang panig na maging maayos sa pagtatanong at pagsagot.
Nagbigay rin ng paalala si Gordon na maling maglabas kaagad ng conclusion sa isyu dahil hindi pa naman ito naman ito dumadaan sa tamang imbestigasyon