‘BasuRun’ campaign sa Manila North Cemetery,ilang araw bago ang Undas

Kuha ni Ruel Perez
Kuha ni Ruel Perez

Ilang araw bago ang paggunita ng Undas, pinangunahan ni running priest Fr. Robert Reyes ang pagsasagawa ng “BasuRun” campaign sa Manila North Cemetery sa Lungsod ng Maynila.

Ito ay upang ipanawagan sa publiko na huwag magkalat sa mga sementeryo sa gagawing pagbisita sa puntod ng kanilang mahal sa buhay.

Ang kampanya ay bahagi ng programa ng grupong EcoWaste coalition at Tzu Chi Foundation na naglalayon na paalalahanan ang publiko lalo na sa mga dadalaw sa mga puntod ng namayapa sa undas na iwasan ang pagtatapon ng anumang basura sa sementeryo.

Ang programa ay may temang ‘Ang sementeryo ay Dasalan, Hindi Basurahan’. Bago ang isinagawang pagtakbo sa Manila North Cemetery, nagdaos muna si Reyes ng misa.

Habang tumatakbo bitbit ng grupo ang mga sako na paglalagyan ng mga basurang kanilang madadampot. “Ang sementeryo ay dasalan at hindi basurahan, ang pangunahing pagpunta sa sementeryo ay para ipagdasal ang ating mga yumaong mahal sa buhay,” ayon kay Reyes.

Sinabi ni Reyes na ang pagkakalat ng basura ay isang malaking kasalanan na dapat ding ikinukumpisal ng bawat isa, ihinihingi ng kapatawaran at dapat inaalis sa sistema.

Nanawagan din si Reyes sa mga taong magtutungo sa mga sementeryo na iuwi ang kani-kanilang mga kalat at ang iwan lamang sa mga pupuntahang sementeryo ang dasal at ala-ala sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Read more...