Senado hinikayat na ipasa na ang pondo para sa Dengvaxia

Matapos ipasa ng kamara ang panukalang supplemental budget para sa Dengvaxia victims noong Hunyo, mariing nanawagan ngayon sa Senado si House Appropriations Committee Chairman Rep. Karlo Nograles na madaliin ang pagpasa sa nasabing panukala na nagkakahalaga ng 1.16 bilyong piso.

Bago umano mag-recess ang kongreso sa Huwebes, umaasa si Nograles na ipasa ng senado ang panukala upang susugan ng karagdagang pondo ang mga naisagawa nang pangunang hakbang ng DOH sa mga biktima ng naturang kontrobersyal na bakuna.

Kapag naipasa ito, hindi na anya mangangailangan pang maghagilap ng pondo ang DOH mula sa iba pa nilang programang pangkalusugan.

Magbibigay din anya ito, ani Nograles, ng katiyakan sa mga pamilya ng mga naturukan ng bakunang Dengvaxia na sapat ang makukuha nilang serbisyong medikal sakaling mangangailangan ang kanilang mga kapamilya.

Sa ilalim ng supplemental budget, popondohan nito ang mga gawaing kaugnay sa pagpapagamot ng mga biktima kagaya ng profiling, tutok na serbisyo ng mga doktor at nurse, mga karagdagang pag-aaral at iba pang serbisyo.

Iginiit nito na kailangang gumalaw ang Senado upang maipasa na ang supplemental budget para sa mga serbisyong nabanggit.

Read more...