Isa sa mga binabantayan ng PAGASA ang Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area pf Responsibility (PAR) na huling namataan sa 760 kilometers east northeast ng Basco, Batanes.
Bagaman maliit ang tsansa na ito ay maging ganap na bagyo ay palalakasin nito ang Habagat.
Samantala, dalawa pang bagyo na nasa labas ng bansa ang binabantayan din ng PAGASA. Ang una ay ang Severe Tropical Storm Leepi na huling namataan sa 1,775 kilomters east northeast ng extreme northern Luzon.
Habang ang isa pa ay ang Tropical Storm Bebinca na huling namataan sa 719 kilometers west northwest ng Laoag City, Ilocos Norte.
Ayon sa PAGASA ang sentro ng epekto ng Habagat ay nasa western section ng central at nothern Luzon.
Dahil dito, ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, mga lalawigan ng Zambales at Bataan at ang Batanes at Babuyan Group of Islands ay makararanas pa rin ng katamtaman hanggang sa malalakas na buhos ng ulan ngayong araw.
Sa Metro Manila at nalalabi pang bahagi ng Luzon kabilang ang Calabarzon at Mindoro Provinces ay makararanas naman ng mahina hanggang katamtaman at minsang malakas na pag-ulan dahil pa rin sa Habagat.
Isolated na pag-ulan na lang naman ang mararanasan sa nalalabi pang bahagi ng Cagayan Valley, Bicol Region, at nalalabing bahagi ng MIMAROPA.
Habang magiging maganda naman ang lagay ng panahon sa Visayas at Mindanao.