Makalipas ang apat na araw na bakbakan sa pagitan ng pwersa ng Afghanistan at Taliban ay nasawi ang nasa 100 pulis at sundalo bukod pa dito ang 20 mga sibilyan.
Ayon kay Defense Minister General Tareq Shah Bahrami, hindi pa ito ang pinal na bilang ng mga nasawi sa malawakang pag-atake ng Taliban sa Ghazni.
Ani Bahrami, nagpadala na ng karagdagang 1,000 pwersa ng pamahalaan sa Ghazni upang pigilan ang Taliban sa pagkubkob sa lungsod.
Nagpadala na rin aniya ang Estados Unidos ng military advisers upang tumulong sa kanilang hanay.
Samantala, 194 naman na miyembro ng Taliban ang napatay, kabilang dito ang 12 mga lider sa grupo. Mayroon aniya sa mga napatay ang mga Pakistani, Chechen, at Arab nationals.
Dahil sa naturang pag-atake ay nasira ang telecommunications tower kaya naman walang linya ng komunikasyon mula sa loob ng Ghanzi. Dahilan ito upang mahirapan ang mga otoridad na makumpirma ang detalye ng nagaganap na bakbakan.
Ayon sa Afghan government, nananatiling nasa kontrol ng kanilang pwersa ang lugar.
Samantala, nagkakaroon na ng kakulangan sa gamot ang mga ospital sa Ghazni at karamihan sa mga isinusugod sa mga ospital ay hindi na umaabot ng buhay. Mayroon na rin umanong shortage sa kuryente, malinis na tubig, at pagkain dahil sa nagaganap na bakbakan.