Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang pagsibak sa pwesto sa mga pulis na sangkot sa maanumalyang pag-iisyu ng AK-47 rifle license.
Kabilang sa mga sinibak ang mga sumusunod na pulis:
– Chief Superintendent Regino Catiis ng PNP Directorate for Human Resouce and Doctrine Development
– Superintendent Nelson Bautista ng Personnel Holding and Accounting Unit
– Superintendent Ricky Sumalde ng PNP-Criminal Investigation and detection group (CIDG)
– Chief Inspector Ricardo Zapata Jr. ng PNP Region 3
– Senior Superintendent Eduardo Acierto ng Civil Security Group
– SPO1 Randy Madiam De Sesto ng Civil Security Group
– non-uniformed personnel Sol Bargan ng Civil Security Group
Bukod sa pagkakasibak sa trabaho ay hindi na rin maaaring makuha ng mga nabanggit na pulis ang kanilang retirement benefits, kanselasyon ng kanilang eligibility, at disqualification sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Samantala, ipinag-utos rin ang pagsibak kay retired Chief Superintendent Raul Delfin Petrasanta na siyang dating pinuno ng PNP Firearms and Explosives Office ngunit nauna na itong nagretiro noong June 2017. Gayundin si NUP Nora Pirote na kinuha naman ang kanyang optional retirement.
December 2015 naman nang magretiro ang isa pang akusado na si Chief Superintendent Allan Parreño.
Kasama rin sa dismissal case si SPO1 Eric Domasig Tan ng Personnel Holding and Accounting Unit ngunit sinibak na ito sa trabaho noong Pebrero ngayong taon dahil sa bukod na kaso.
Dahil dito ay kapwa pinagmumulta ng isang taong sahod sina Tan at Pirote.
Ang aksyon ni Albayalde ay kasunod ng pag-uutos ng Office of the Ombudsman matapos lumabas sa kanilang record na sangkot ang nasabing mga pulis sa pag-iisyu ng lisensya para sa 1,400 na mga AK-47 rifles.
Ibinigay ang lisensya sa isang Isidro Lozada, bagaman hindi kumpleto ang kanyang mga requirement para sa license application at nabatid na ang mga AK-47 rifle ay gamit ng rebeldeng New People’s Army (NPA).