Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Carlito Galvez Jr., araw araw na pangyayari ang radio warnings ng China at lagi na ay pareho lang ang sagot ng mga Pilipinong piloto at tuloy lang ang kanilang patrulya.
Ang tugon anya ng mga piloting Pilipino ay ginagawa lang nila ang kanilang routine flight sa hurisdiksyon at teritoryo ng Pilipinas.
Kasama ang international TV network na BBC sa US Navy patrol na nasa Spratlys at narinig ng kanilang reporter ang warning ng China sa eroplano ng AFP.
Sinabi ng BBC na kapuna-puna ang agresibo at tila bastos na pagbibigay ng babala ng China sa eroplano ng Pilipinas kumpara sa US Navy patrol.
Ayon kay Galvez, 3 beses kada araw ang patrulya ng militar sa teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea at sa kabila ng mapang-hamong radio warnings ng China ay nagpapatuloy lang sa kanilang trabaho ang mga Pilipinong sundalo, airmen at sailors dahil alam nilang teritoryo ng bansa ang kanilang binabantayan.
Pero hindi na nagkomento si Galvez sa radio warnings ng China sa Pilipinas na walang paggalang kumpara sa barko at eroplano ng Amerika.