Nagtala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng apat na nasawi sa malakas na ulan at pagbaha dulot ng Habagat sa Metro Manila noong weekend.
Ayon sa Eastern Police District (EPD) at Quezon City Police District (QCPD), isa sa mga namatay ay mula sa Marikina habang ang 3 ibang pa ay mula sa Quezon City.
Sa kabila ng pagbuti ng panahon, nananatili ang 6,117 na pamilya o 25, 238 katao sa iba’t ibang evacuation centers sa Metro Manila.
Ayon sa NCRPO, karamihan ng mga evacuees ay mula sa EPD kung saan 5,201 na pamilya o 22,164 katao ang nasa evacuation centers, kabilang ang mula sa Marikina at Pasig City.
Isinailalim na sa state of calamity ang Marikina dahil sa malawakang baha bunsod ng tumaas na lebel ng tubig sa Marikina River.
Sa report naman ng QCPD, 1,796 na mag residente ang nasa 15 evacuation centers habang sa Camanava area, sinabi ng Northern Police District na 678 na katao ang nasa 7 evacuation centers.
Nasa 230 na pamilya o 600 na katao ang nananatili sa Baseco Covered Court sa Maynila.