NBI iimbestigahan ang P6.8-B drug smuggling sa BOC

Inquirer file photo

Pina-iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pinakahuling mga insidente ng drug smuggling kabilang ang P6.8 billion na halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs.

Kasama sa imbestigasyon ang BOC pero inutusan ang NBI na tingnan din ang ibang ahensya ng gobyerno at pribadong indibidwal na pwedeng sangkot sa pagpupuslit ng droga.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, dahil sa malaking halaga ng iligal na droga at ang madaling pagpasok nito sa bansa, lahat ng ahensya ng gobyerno ay ikukunsiderang imbestigahan partikular ang BOC, gayundin ang private shippers, brokers, cargo handlers, warehousemen at ibang law enforcement agents na pwedeng may papel sa krimen.

Ang hakbang ng DOJ ay kasunod ng pagkumpiska ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa 500 kilos ng shabu sa Manila International Container Terminal noong August 7.

Nakatago ang kontrabando sa 2 magnetic lifters at tinatayang nagkakahalaga ng P4.3 Billion.

Pero noong August 10, 4 na magnetic lifters ang nadatnan sa bodega sa General Mariano Alvarez, Cavite pero wala ng laman ang mga ito.

Naniniwala ang otoridad na nasa 1,000 kilos ng shabu ang itinago sa 4 na magnetic lifters na may halagang P6.8 Billion.

Read more...