Aminado ang Malacañang na hinahanapan na ng solusyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangamba ng kanyang mga economic managers at ng business group na may negatibong epekto sa ekonomiya ang isinusulong na pederalismo.
“I know that he has, yes. He has listened attentively to what they were saying, but he wants solutions. He’s looking for solutions”, paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi ng opisyal na nakausap na ng pangulo sina Finance Secretary Carlos Dominguez at Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia para solusyunan ang naturang problema.
Una rito ay sinabi ni Dominguez na babagsak ang credit rating ng Pilipinas kapag isinulong ang pederalismo kung saan magiging fifty-fifty ang hatian ng national government at local government sa pera ng bayan.
Tiniyak pa ni Roque na maari namang pag-aralan ang naturang problema at hindi ito maituturing na balakid para mabago ang kasalukuyang porma ng gobyerno patungo sa pederalismo.
Sinabi pa ni Roque na welcome naman sa pangulo ang lahat ng input ukol sa pagbabago sa porma ng pamahalaan.