Lagpas na sa inaasahang monthly average rainfall para sa buwan Agosto ang tubig na ibinuhos ng pag-uulan sa Quezon City sa nakalipas na unang 12 araw ng buwan.
Sa 4am weather advisory ng PAGASA, naitala ng kanilang istasyon sa Science Garden ang 538.4mm ng tubig-ulan na lampas na sa inaasahan lamang na 504.2mm sa buong buwan ng Agosto.
Samakatwid, ang ulan na bumagsak sa lungsod ng Quezon ay 106.78 percent na ng inaasahan lamang para sa Agosto.
Pinakamataas naman ang naitalang amount of rainfall sa nakalipas na 12 araw sa Baguio City sa 714.6mm.
Ito ay 78.96 percent na ng inaasahang monthly average rainfall ng lungsod.
Pangalawa sa nagtala na ng pinakamataas ng amount of rainfall ay ang Subic Bay sa 544.7mm na sinundan ng Quezon City.