Posibleng ma-ban sa pagtakbo sa alinmang puwesto sa susunod na taon ang may 785 pulitiko dahil sa pagkabigo ng mga itong maghain ng Statement of Contributions and expenses o SOCE noong mga nakaraang eleksyon.
Batay sa Section 14 ng Republic Act 7166, ang SOCE ang listahan ng mga ginastos o campaign expenses sa loob ng panahon ng pangangampanya ng isang kandidato.
Ito ay dapat na isinusumite ng isang kandidato, nanalo man o natalo, 30 araw matapos ang isang eleksyon.
Sa listahan ng Commission on Elections, karamihan sa mga hindi naghain ng kanilang mga SOCE ay mga tumakbo sa lokal na posisyon.
Ang mga pangalan na napapaloob sa listahan ay nabigong maghain ng kanilang campaign expenses sa nakalipas na 2007, 2010 at 2013 elections.
Ilan sa mga kilalang pulitiko na kabilang sa inilabas na listahan ng Comelec na bigong maghain ng SOCE ay sina dating Caloocan City mayor Macario Asistio Jr., dating Quezon City Rep. Ismael Mathay III at former ARMM Gov. Nur Misuari.
Paliwanag ni Comelec Chiarman Andres Bautista, sakaling may isang kandidato para sa 2016 elections ang napabilang sa listahan, maari silang ma-disqualify dahil sa hindi pagsunod sa alituntunin ukol sa paghahain ng SOCE.
Sa 785 pangalang nasa listahan, 194 sa mga ito ay mga pulitikong tumakbo sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa Calabarzon, 88 kumandidato ang hindi naghain ng SOCE simula pa noong 2007 elections samantalang nasa 70 naman ang mula sa Cordillera Administrative Region.
Ayon sa Comelec, kanilang inihahanda na ang kaukulang mga kaso upang madisqualify ang mga pangalang nasa listahan na tumakbo sa alinmang eleksyon sa hinaharap.