Mga palay na naapektuhan ng bagyong Lando dapat bilhin ng pamahalaan

 

Inquirer file photo

Hinihikayat ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) ang pamahalaan na bilhin kaagad ang mga palay ng mga magsasakang labis na naapektuhan ng bagyong Lando.

Ayon kay Sinag chair Rosenso So, napipilitan na ngayon ibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga “slightly damaged” na palay sa presyong mas mababa pa sa animal feeds.

Sa ngayon kasi, nagkakahalaga na lamang ng P10 hanggang P11 ang kada kilo ng palay sa Nueva Ecija, Pangasinan, Pampanga at Isabela, samantalang ang darak ay nagkakahalaga ng P13 hanggang P14 kada kilo.

Gayunman, napakabihira pa rin ng bumibili sa kanila kaya naman inaanyayahan nila ang National Food Authority (NFA) na unahing bilhin ang mga ipinagbibiling palay ng mga matinding tinamaan ng bagyo lalo na sa mga lugar kung saan ang mga magsasaka ay hindi nasasakop ng anumang insurance na may kinalaman sa agrikultura.

Dagdag ni So, kaya ring pataasin ng NFA ang bentahan ng mga nasabing palay sa mga pribadong sektor kung bibilhin ito ng ahensya mula sa mga magsasaka sa mandated price na P17 kada kilo.

Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni NFA Administrator Renan Dalisay na hinihintay na lamang nila ang pahintulot ng Palasyo at ng Department of Budget and Management para bilhin ang mga pananim na nasalanta ng bagyo at para sa P350 milyong supplemental fund.

Hiwalay kasi aniya ang paghingi ng permiso na bilhin ang mga palay sa mga lugar na apektado ng bagyo dahil hindi maaaring bumili ang NFA ng palay na may moisture na hihigit sa kanilang pamantayan.

Ani Dalisay, mayroon namang tinatayang P4.2 bilyong halaga ng budget ang NFA para sa kanilang domestic procurement program.

Maaari rin aniyang i-waive ng gobyerno ang irrigation fees na nasa P2,000 kada ektraya sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyo.

Sa halip na mag-angkat na naman ng napakaraming bigas mula sa ibang bansa, hiling ni So na sana ay unahin ng pamahalaan ang pagbili sa mga lokal na produkto ng mga magsasaka para magsilbing tulong na rin sa kanilang industriya.

 

Read more...