Nagsimula nang dumagsa sa evacuation centers ang ilang mga residente sa Metro Manila na inabutan ng mataas nab aha dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan.
Sa Marikina City ay nagpatupad na ng forced evacuation ang pamahalaang lokal makaraang umabot sa 18 meters ang taas ng tubig sa Marikina river.
Karamihan sa mga inilikas ay mula sa mga barangay ng Tumana, Nangka at Sto. Niño.
Sa ulat ng Marikina Rescue 161, umaabot na sa 1000 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga designated evacuation centers.
Sinabi ni Marikina City Police Chief S/Supt. Roger Quesada na nagpadala na rin sila ng mga tauhan sa ilang mga lugar na lubog sa tubig baha.
Sa Quezon City, Sinabi ni City Administrator Aldrin Cuña na 300 pamilya ang kusang lumikas sa Barangay Bagong Silangan dahil sa mataas na tubug baha.
Kasalukuyang nasa covered court ng barangay ang nasabing mga pamilya na inaasikaso ng city social service personnel.
Lubog rin sa tubig baha ang ilang bahagi ng Araneta Avenue, Banawe bahagi ng Balintawak sa nasabing lungsod.
Sa Maynila, iniulat ng tanggapan ni Manila Mayor Joseph Estrada na nagsimula na ring lumikas ang ilang mga residente sa Baseco Compound at Port Area dahil sa matuloy na pag-ulan.