Nagtaas ng heavy rainfall alert ang PAGASA sa Metro Manila at ilang lalawigan bunsod ng tuluy-tuloy na nararanasang pag-ulan, araw ng Sabado.
Sa 2:00 PM advisory ng weather bureau, kanilang ipinaliwanag na ito ay bunsod ng pinaigting na Southwest Monsoon o Habagat na lalo pang pinalakas ng Bagyong Karding.
Itinaas sa red warning level ang Metro Manila at lalawigan ng Rizal habang yellow warning level naman ang lalawigan ng Bataan, Pampanga, Bulacan at Northern Quezon.
Nangangahulugan ito na nakararanas ng intense rainfall ang mga nabanggit na lugar. Malaki rin ang posibilidad ng pagbabaha sa mga lugar lalo na sa low-lying areas.
Samantala, makararanas naman ng mahina hanggang sa katamtaman na kung minsan ay pabugso-bugsong buhos ng pag-ulan sa Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Laguna, Cavite, Batangas at mga nalalabing parte ng Quezon sa susunod na tatlong oras.
Dahil dito, inalerto ng PAGASA ang publiko at disaster risk reduction and management council na mag-antabay sa anumang update sa sama ng panahon.