Itinanggi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may kinalaman ang NutriAsia sa illegal labor schemes.
Sa pagdinig ng Senado, nilinaw ng DOLE na ang mga nag-strike na trabahador ay hindi empleyado ng NutriAsia kundi mga manggagawa sila ng kanilang contractor na B-Mirk Enterprises Corporation.
Ang pahayag ng DOLE ay kinatigan naman ni Thelma Meneses ng NutriAsia na nagsabing mayroon silang regular at permanenteng empleyado na tumatamasa ng security of tenure.
“The striking workers are all regular and permanent employees of B-Mirk and non from NutriAsia, so why from the union under the name of NutriAsia? They are not contractual, they are not casual, they are not endo,” ayon sa pahayag ni Meneses sa Senate Committee on Labor na pinamumunuan ni Senador Joel Villanueva.
Upang patunayan ang kaniyang mga pahayag, binanggit nito ang naging desisyon ng DOLE Region 3 na ipinalabas noong June 25, 2018 na kumukumpirma na ang mga nag-i-strike ay lehitimong empleyado ng B-Mirk.
Sa nasabing desiyon, kinumpirma ng DOLE na ang B-Mirk ay may lehitimong independent packing arrangement sa NutriAsia at hindi sila sangkotsa anumang iligal na contracting arrangements.
Ipinaliwanag ni Meneses na ang mga trained personnel ng NutriAsia ang nasa likod ng cooking process ng kanilang mga produkto at nag-outsource lamang sila para sa post production, filling at packing.
Ang B-Mirk aniya ay kumuha ng 10,000 manggagawa, ang lahat ng mga ito ay regular at permanente kung kaya’t hindi sangkot sa iligal na contractualization ang kompanya.
Subalit noong June 2, 2018, may 200 sa 1400 manggagawa sa planta ang nag-walk out at hinarangan ang gates ng Marilao compound ng NutriAsia.
Upang maprotektahan ang kabuhayan at kaligtasan ng nakararaming hindi nag-strike, kumuha ang NutriAsia ng court orders para maalis ang barikada subalit binalewala lamang ito ng strikers.
Kung kaya’t sa loob ng dalawang buwan, ang strike ay nakapagdulot ng pinsala sa kabuhayan at trabaho ng mga hindi sumama rito.
Simula noong June 2, bilang suporta sa BMirk, naghanap ng solusyon ang NutriAsia para matapos na ang gusot sa mapayapang pamamaraan subalit binalewala lamang ito ng mga striker.
Karamihan sa mga nag-strike na empleyado ay bumalik na sa kanilang trabaho matapos ang ipinalabas na desisyon ng DOLE at tinanggap naman sila ng kompanya. Sa pagsisimula ng pagdinig ng Senado, may mga empleyadong nag-rally bilang pagpapakita ng kanilang suporta at pasasalamat sa NutriAsia.
Sa kabila ng back to work order mula sa DOLE, ilang strikers pa rin ang nagmamatigas at hinaharang ang iba na bumalik na sa kanilang trabaho.