Dry run para sa single passenger vehicle scheme sa EDSA, planong isagawa ng MMDA

 

File Photo

Balak ng Metro Manila Development Authority o MMDA na magsagawa ng isang linggong “dry run” para sa isinusulong na single passenger vehicle scheme sa EDSA.

Ito’y sa harap ng mga batikos na nakukuha ng naturang polisiya, na binuo ng MMDA at Metro Manila Council.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, tinatapos lamang nila ang guidelines kaya posibleng sa susunod na linggo gagawin ang dry run.

Layon aniya nito na makita kung magiging epektibo ba o hindi ang single passenger vehicle scheme sa EDSA.

Nakiusap naman ang opisyal sa mga motorista na makipagtulungan kapag ginawa na ang dry run.

Sinabi ni Garcia na target na maipatupad ang polisiya sa huling bahagi ng buwan ng Agosto.

Sa single passenger vehicle scheme, ipagbabawal sa kahabaan ng EDSA ang mga sasakyang na ang sakay ay drayber lamang, tuwing rush hours.

Inamin naman ni Garcia na isang “short-term solution” ang polisiya.

Gayunman, umaasa si Garcia na kapag natapos na ang Build Build Build program ng pamahalaan ay mas giginhawa na ang sitwasyon sa mga lansangan.

 

Read more...