Nais ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na inspeksyunin ng mga otoridad ang mga baril na narerekober mula sa mga napapatay na drug suspek sa police operation.
Batay kasi sa isinumiteng report ng Philippine National Police (PNP) kay Alejano, mula July 2016 hanggang September 2017, 37.1% ng mga narekober na baril ay kalibre 38.
Batay din sa report, mayroon ding narerekober na kalibre 45 baril at mga 9mm ngunit burado ang mga serial number ng ilan sa mga ito.
Ayon kay Alejano, mayroon kasing posibilidad na ma-recycle ang mga baril na walang serial number. Kaya naman nais niyang inspeksyunin ang mga narerekober na baril upang makatiyak.
Dagdag pa ng mambabatas, partikular niyang gustong ipainspeksyon ang mga baril na nakatago sa storage room ng Crime Laboratory.
Paliwanag nito, ito ay para mapatunayang intact pa rin ang 4,000 mga nakumpiskang baril.