Individual privacy igagalang sa implementasyon ng national ID

Tiniyak ng Philippine Statistic Authority (PSA) na igagalang ang right to privacy ng bawat indibidwal sakaling simulan na ang implementasyon ng national identifications (ID) system o PhilSys.

Ayon kay Undersecretary Lisa Grace Bersales, simple lamang ang national ID at ito ay sasagot lamang kung sino ang isang indibidwal at kung ano ang deskripsyon ng isang indibidwal sa kanyang sarili.

Tiniyak ni Bersales na susunod ang PSA sa isinasaad ng batas kung saan pinoprotektahan ang right to privacy ng bawat mamamayan.

Ang pangunahing layunin anya ng PhilSys ay magbigay ng pagkakakilanlan sa bawat mamamayan at resident aliens sa Pilipinas at mas madaling pagkilala sa mga ito sa mga transaksyon sa gobyreno.

Ayon pa kay Bersales, noon pa man ay ‘committed’ na ang PSA sa ‘principles of official statistics’ ng United Nations at may kamalayan din anya ang ahensya sa ‘confidentiality at privacy issues’.

Samantala, katuwang ng PSA ang national Privacy Commission at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa implementasyon ng proyekto.

Read more...