Duterte nandigan na tama ang pagsibak sa mga opisyal ng Nayong Pilipino

Inquirer file photo

Pinanindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa lahat ng board member at management ng Nayong Pilipino Foundation.

Sa talumpati ng pangulo sa 117th Police Service Anniversary sa Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame, sinabi nito na kalokohan ang pinasok na kontrata ng Nayong Pilipino na bigyan ng pitumpu’t limang taong lease contract ang P5 Billion na theme park ng Hong Kong Landing International.

Giit ng pangulo, hindi niya papayagan na magkaroon ng panibagong casino sa bansa.

Noon pa man, sinabi ng pangulo na ayaw niya ng sugal.

Kapag nagkataon kasi aniya na ituloy ng Nayong Pilipino ang pitumpung limang taong kontrata ay mangangahulugan ito ng paglaganap ng sugal lalo na sa mga kabataan.

Pinayuhan pa ng pangulo ang naturang kumpanya na gamitin na lamang ang bilyong pisong pera sa ibang bagay na mas kaaya-aya sa lahat at hindi ang pagpapatayo ng mga pasugalan.

Pero base sa naunang pahayag ng Nayong Pilipino Foundation, hindi pitumpu’t limang taon kundi dalawampu’t limang taon lamang ang kanilang ibinigay na kontrata sa Hong Kong Landing International.

Read more...