Hindi inalintana ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malakas na buhos na ulan at itinuloy pa rin ang inspection of troops sa 117th Police Service Anniversary sa Philippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame.
Bago pa man sumakay ang pangulo sa “white carabao” o ang opisyal na sasakyan ng commander-in-chief para sa trooping the line tradition kasama si PNP Chief Oscar Albayalde ay inalok na siyang payungan ng kanyang aide.
Gayunman, tumanggi ang pangulo at itinuloy ang pag-iikot sa tropa ng mga pulis.
Nasa kalagitnaan pa lamang ang pangulo nang biglang bumuhos ang ulan.
Gayunman, hindi nagpatinag ang pangulo at tinapos pa rin ang pagsasagawa ng inspection of troops.
Nang papalapit na sa grandstand ay muling lumapit ang isa sa mga aide para payungan ang pangulo subalit tumanggi na ang punong ehekutibo.
Pag-akayat sa grandstand ay inabutan na lamang ng white facial towel ang pangulo at hindi na ito nagbihis hanggang sa matapos ang seremonya.
Sa kanyang opening statement ay sinabi ng pangulo na binasa lang naman sila ng ulan pero pagdating niya sa entablado ay tumigil rin ang pagbuhos ng ulan.