Inamin ni Partido ng Masang Pilipino senatorial candidate Sandra Cam ang naganap na sigawan sa pagitan nila ni dating pangulo at ngayo’y Manila City Mayor Erap Estrada.
Naganap umano ang sigawan noong nakaraang linggo sa tanggapan ni Estrada sa Manila City Hall.
Ayon kay Cam, kinausap niya ang alkalde na siyang founder ng kanilang partido pulitikal para tanungin kung bakit hindi siya kasama sa mga inindorso nito sa pagka-senador.
Pero imbes na magpaliwanag, sinabi ni Cam na binulyahan siya ng dating pangulo kasabay ang pahayag na wala siyang paki-alam sa kandidatura ni Cam.
Aminado si Cam na nasaktan siya sa mga sinabi ni Erap kaya naman sinagot niya ang opisyal na matagal na siyang naglilingkod dito.
Sinabi ni Cam na pirmado ni PMP Executive Vice-President Jinggoy Estrada ang kanyang certificate of nomination kaya imposibleng hindi ito alam ni Erap bukod pa na siya ang kauna-unahang senatorial candidate para sa 2016 ng nasabing partido.
“Kung may bagay ako na natutunan sa pangyayari ay hindi dapat magtiwala ng buong-buo sa isang tao na punong-puno ng mga pangako”, ayon kay Cam.
Dagdag pa ni Cam, “kahit na ano ang mangyari, may suporta man mula sa partido o wala ay tuloy ang aking kandidatura sa 2016”.