Pinaiimbestigahan na ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ang alegasyon na kasama ang ilang pulis sa mga dumukot sa itiniwalag na ministro ng Iglesia ni Cristo na si Lowell Menorca Jr.
Ayon kay Marquez may video naman at aniya’y uutusan niya si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director CSupt. Victor Deona na pag-aralan ang sinasabing footage para malaman kung may basehan ang ibinibintang ni Menorca.
Sinabi pa ng PNP Chief na makikipag-ugnayan din sila kay Menorca para maghain ng pormal na reklamo at magprisinta ng mga ebidensiya at testigo na susuporta sa kanyang ibinibintang.
Ayon pa kay Marquez, ipinatutupad nila ang batas ng walang pinapaboran at kinatatakutan at hindi isyu sa kanilang trabaho ang relihiyon.
Tiniyak pa ng hepe ng Pambansang Pulisya na gagawa sila ng mga kaukulang hakbang kapag may mga tauhan silang may ginawang paglabag sa batas.