DOTr MRT-3, nag-sorry sa pagtagas ng tubig sa isang tren

 

Humingi ng paumanhin ang Department of Transportation Metro Rail Transit o DOTr MRT-3 sa mga naabala ng “leak” o pagtulo ng tubig sa loob mismo ng bumibiyaheng tren kahapon (August 7).

Ayon sa DOTr MRT-3, ang mga tumulong tubig ay mula sa isang airconditioning unit o ACU ng tren.

Taong 2008 pa nang huling palitan ang ACUs ng mga tren, bilang bahagi ng unang general overhaul, walong taong makaraang magsimula ang operasyon ng MRT-3 noong 2000.

Paliwanag ng ahensya, ang general overhaul ay isinasagawa kada walong taon.

Ibig sabihin, ang ACUs ng mga tren ay kailangang napalitan na bilang parte ng ikalawang 2nd general overhaul, na dapat sana’y nakumpleto na noong 2016.

Subalit as of November 2017 mula nang i-terminate ng DOTr ang dating maintenance provider ng MRT-3, tanging tatlo mula sa 72 train cars ang na-overhaul.

Dahil sa kahalagahan ng ACUs para sa kapakanan ng mga pasahero, sinabi ng DOTr na bumili na ang MRT-3 transition team ng airconditioning units mula sa original equipment manufacturer o OEM.

Ang mga bagong OEM ACUs ay inaasahang darating ngayong buwan ng Agosto.

Viral pa rin sa social media ang isang video ni Giselle Tolosa, kung saan makikita na mistulang may waterfalls na sa loob ng tren.

Naganap ang insidente sa pagitan ng alas-kwarto hanggang alas-singko ng hapon ng Martes.

Ang mga dismayadong pasahero ay nagbukas na ng kani-kanilang payong dahil tuluy-tuloy ang pagtulo ng tubig.

 

Read more...