Tatlo sa limang Pilipino ang naniniwalang malaki ang maitutulong sa kanila ng National ID system.
Yan ay batay sa resulta ng 2nd Quarter 2018 Social Weather Survey na isinagawa noong June 27 hanggang 30, 2018, at may 1,200 respondents.
Ang latest SWS survey ay inilabas, ilang araw matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong batas ang Philippine Identification System.
Sa naturang survey, natanong ang respondents kung gaano kalaki ang maitutulong ng National ID system.
Lumabas na 32% ang nagsabing “very big help” ang National ID system, habang 28% ang tumugon ng “big help,” 26% ang “moderate help” at 8% sumagot ng “little help.”
Sa tanong naman sa respondents kung sila ba ay sumasang-ayon sa pagkakaroon ng National ID system sa Pilipinas, 73% ay sumang-ayon habang 18% lamang ang hindi sumang-ayon at 9% ang walang tugon.
Ayon sa SWS, ito ay katumbas ng +55 net approval score o “extremely strong.”
Pinaka-mataas ang net approval ay naitala sa Metro Manila sa +60, samantalang +58 sa Luzon, +53 sa Visayas at +48 sa Mindanao.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na layunin ng Philippine Identification System na magkaroon ng single national identification system para sa mas maayos na transakyon sa mga pampubliko at pribadong tanggapan.
Tiniyak ng presidente na mabibigyan ng sapat na proteksyon ang privacy ng mga Pinoy.