Pinayuhan ni Philippine Information Agency (PIA) Director General Harold Clavite si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson na mag-file muna ng leave of absence.
Sa Facebook post ng opisyal noong August 7, sinabi ni Clavite na dahil sa kontrobersyal at viral na video ni Uson kasama ang blogger na si Drew Olivar, dapat ay maglabas ito ng public apology.
Kasabay nito ay dapat rin umanong magpahinga muna at lumiban muna sa kanyang trabaho si Uson.
Paliwanag ni Clavite, dapat ay gamitin ni Uson ang panahon upang mag-reflect ukol sa naturang isyu at balikan ang code of conduct at ethical standards na dapat sundin ng lahat ng opisyal ng pamahalaan.
Dagdag pa nito, maituturing na insulto sa larangan ng komukasyon at public information ang ginawang video ni Uson, bukod pa sa pag-degrade nito sa mga kababaihan at mga nanay.
Sinabi pa ni Clavite na bilang isang public servant at bahagi ng PCOO ay na-offend siya sa ginawa ni Uson.