Nakatakdang simulan sa susunod na linggo ang isasagawang imbestigasyon ng Senado ukol sa mga isyung bumabalot ngayon sa Department of Tourism (DOT).
Ito ang sinabi mismo ni Senate Blue Ribbon committee chairman Senador Richard Gordon.
Aniya, iimbitahan nila sina dating Tourism Secretary Wanda Teo at kanyang mga kapatid na sina Ben at Erwin Tulfo para sa pagdinig na isasagawa sa August 14, araw ng Martes.
Maging ang mga opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay iimbitahan din sa pagdinig.
Matatandaang lumabas sa audit report ng Commission on Audit (COA) na nakatanggap na P60 milyong bayad ang Bitag Media Unlimited Inc. (BMUI) na umeere sa PTV-4 para sa advertisement ng DOT.
Ayon kay Gordon, partikular nilang titingnan ang accountability ng DOT at ni Teo sa naturang isyu.
Habang pagpapaliwanagin naman ang PCOO kung bakit partikular na napunta ang milyun-milyong pondo sa programa ni Tulfo.
Samantala, sinabi ng senador na iimbestigahan din nila ang alegasyon laban kay dating Tourism Promotions Board head Cesar Montano kaugnay ng Buhay Carinderia food tourism project nito.