Posibleng maganap sa huling bahagi ng taon ang kauna-unahang pagbisita ni Chinese President Xi Jin Ping sa Pilipinas.
Sa pulong balitaan sa Taguig City, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na target ng China at Pilipinas na maganap ito ngayong 2018.
Gayunman anya ay kasalukuyan pang pinag-uusapan ng dalawang bansa ang petsa para rito.
Iginiit ng kalihim na tumugon agad ang Beijing sa imbitasyon ng bansa ngunit hinahanap pa ang tamang panahon para rito.
Kailangan pa anya ng maraming preparasyon sakaling matuloy ang pagbisita ni Xi sa Pilipinas.
Matatandaang naunang inimbitahan ng pangulo si Xi na pumunta ng Maynila sa kasagsagan ng kanyang state visit sa China noong October 2016.
Sa sidelines naman ng Boao Forum for Asia noong Abril, inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magaganap ang unang pagbisita ni Xi sa Pilipinas sa Nobyembre pagkatapos ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Papua New Guinea.
Gayunman, nang tanungin si Cayetano tungkol dito ay hindi pa ito kinumpirma ng kalihim at sinabing titingnan pa ito.