Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na may Pinoy na nadamay sa fuel tanker na naaksidente at sumabog malapit sa airport ng Bologna, Italy.
Ayon sa DFA, naapektuhan ng pagsabog ang tatlong pamilya o nasa sampung katao na nakatira malapit sa airport.
Gayunman, nilinaw ng kagawaran na hindi nasaktan ang mga ito, kundi kabilang sa mga nasiraan ng mga tinitirhan nitong apartment unit dahil sa insidente.
Base sa nakarating na ulat sa DFA mula sa consulate general ng Pilipinas sa Milan, hindi bababa sa dalawang katao ang namatay at 60 pa ang nasaktan sa pagsabog.
Kaugnay nito, nagparating ng pakikidalamhati si Consul General Irene Susan B. Natividad sa pamilya ng mga nasawi at nag-alay ng panalangin para sa mabilis na recovery ang mga nasaktan.
Mayroong 20,000 Filipino sa Emilia Romagna Region sa Bologna kaya patuloy aniya ang pakikipag-ugnayan nila hindi lamang sa Pinoy community at mga otoridad doon para alamin kung meron pang ibang nadamay sa pagsabog ng tanker.