Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa ginawang cabinet meeting kagabi ay tinutulan ng mga miyembro ng gabinete ang plano ni Pangulong Duterte.
Sa halip na frigate, magpapadala na lamang ang presidente ng isang high-level delegation o task force na pangungunahan ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano.
Sinabi ni Roque na ang grupo ni Cayetano ang magsasagawa ng negosasyon o hakbang para mailigtas ang mga Filipinong bihag kasama ang isang Korean.
Sa isang press conference naman, kinumpirma ni Cayetano na mayroon ngang high-level team na binubuo ng mga kinatawan mula sa DFA, Department of Labor and Employment o DOLE at iba pang ahensya ng gobyerno na tututok sa pagpapalaya sa mga binihag na Pinoy sa Libya.
Kasama aniya sa Task Forces sina Secretaries Silvestre Bello III, Roy Cimatu, Presidential adviser of OFWs Abudllah Mamao at Mindanao Development Authority chairman Abul Khayr Alonto.
Ayon kay Cayetano, gusto ng pangulo na mapalaya ang tatlong Filipino engineers sa lalong madaling panahon, habang nakikipag-ugnayan na rin aniya ang pamahalaan sa pamilya ng mga biktima.