Pahayag ito ng Malakanyang matapos ilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA na pumalo na sa 5.7% ang inflation rate noong Hunyo, na mataas kumpara sa naitala noong Hunyo na 5.2%.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naghahanap na ng solusyon ang economic team ng pangulo kung papaano masasawata ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Roque na ikinukunsidera ng economic managers ng Duterte administration ang mga mitigating measures na ipinapanukala ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na bawasan ang taripa sa ilang food products gayun din ang panukala ni Agriculture Secretary Manny Piñol na lagyan ng SRP o suggested retail price ang mga fish product at zero tarrif sa imported fish products.
Inihayag ni Roque na ipatutupad na rin ang banta ni Presidente Duterte sa mga rice hoarder na gagamitin ang buong puwersa ng batas para pasukin ang mga warehouse ng mga hinihinalang sangkot sa rice hoarding at rice cartel.
Naniniwala aniya ang Palasyo na ang pagkontrol ng rice cartel sa supply at presyo ng bigas ang isa sa pangunahing dahilan kaya nagkaroon ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.