Olongapo City Mayor Paulino sa suspension order ng Ombudsman – “kami ay nasa state of calamity pa”

 

Hiniling ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino sa mga otoridad na ipagpaliban muna ang suspension order ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, ipinaalala ng alkalde na ang Olongapo City ay nasa “state of calamity” pa rin, dahil sa malawakang pagbaha sa kanilang lugar bunsod sa serye ng mga bagyo na pinalakas pa ng Habagat.

Bukod dito, dumarami rin aniya ang kaso ng leptospirosis sa kanilang lugar.

Ani Paulino, medyo alanganin kung ipatutupad ang suspension order ngayon lalo’t nagpapatuloy pa rin ang rehabilitasyon at pagbangon ng kanyang nasasakupan.

Kanyang pagtitiyak, matapos lamang ang lahat ng kailangan tapusin ay hindi raw magkakaroon ng problema ang mga otoridad sa kanya dahil magkukusa raw siyang susunod sa suspension order.

Sinabi rin ni Paulino na wala pang tugon ang Court of Appeals at sa Department of Interior and Local Government o DILG sa kanyang mosyong ibasura ang utos ng Ombudsman.

Ayon kay Paulino, sakaling i-deny o hindi pagbigyan ng CA at DILG ang kanyang mosyon ay handa naman siyang tumalima sa anim na buwang suspensyon ipinataw sa kanya ng anti-graft body.

Nagbarikada na ang supporters ni Paulino sa Olongapo city hall dahil ngayong araw dapat ipatutupad ang anim na buwan na suspensyon sa kanya ng Ombudsman.

Pero giit ni Paulino, simple misconduct na lamang ang kanyang kinakaharap dahil abswelto na siya sa iba pang kaso gaya ng graft and corruption.

Ang kaso ay kaugnay sa long-term lease agreement ng city government sa SM Prime Holdings Incorporated.

Bukod kay Paulino, damay din sa kaso sina Vice Mayor Aquilino Cortez Jr, at mga miyembro ng city council.

Read more...