Paglagda ni Pang. Duterte sa National ID Law, “welcome” sa CHR

Ikinalugod ng Commission on Human Rights o CHR ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National ID Law.

Sa isang statement, sinabi ni CHR Spokesperson Jacqueline de Guia na “welcome” sa kanilang komisyon ang pagsasabatas sa National ID Law.

Aniya, ito ay pagsulong upang matiyak na magkakaroon ang mga mamamayan ng “equal access to public service.”

Dagdag ni de Guia na ang batas ay nakahanay din sa obligasyon ng gobyerno na magkaloob ng “legal identification” sa lahat ng mga Pilipino.

Kasabay nito, hinimok ng CHR ang pamahalaan na magsulong ng mga hakbang upang matiyak ang proteksyon ng “right to privacy” ng bawat indibidwal.

Marapat din na magpatupad ng “safeguards” laban sa anumang uri ng pang-aabuso at diskriminasyon sa pagkuha ng mga impormasyon sa mga tao, upang tunay na makamit ang layunin ng naturang batas.

Kahapon, nilagdaan na ni Pangulong Duterte bilang isang ganap na batas ang National ID Law o Philippine Identification System Act.

Hangad aniya ng nasabing batas na magkaroon ng single national identification system para sa mas maayos na transakyon sa mga pampubliko at pribadong tanggapan.

 

Read more...