Ayon sa principal sponsor ng naturang batas na si Senador Ping Lacson, hindi na magiging balakid sa mga mahihirap na Pilipino ang kawalan ng ID na kanilang kailangan upang magkaroon ng transaksyon sa gobyerno.
Ani Lacson, sa pamamagitan ng Republic Act 11055 ay mapag-iisa na lamang ang lahat ng mga iniisyung government ID card. Sa ngayon kasi ay mayroong 33 magkakaibang government ID cards na iniisyu ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Ayon pa sa senador, sa pamamagitan ng naturang batas ay mababawasan ang kriminalidad at terorismo dahil makatutulong ito sa proseso ng paghuli at prosekusyon sa mga kriminal.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sina Senador Chiz Escudero at Franklin Drilon kay Pangulong Duterte dahil sa paglagda nito sa batas.
Ani Drilon, malaking tulong ang national ID law upang maging mas madali ang pagkuha sa mga serbisyo at makipagtransaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Umaasa naman si Senador Sonny Angara na sa pamamagitan ng national ID ay mababawasan na ang red tape.
Makatutulong din aniya ito sa mga Pilipinong gustong magbukas ng kanilang mga bank account.