Dating pulis nasawi sa drug operation sa Valenzuela City

Nasawi ang isang dating pulis matapos manlaban sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Malinta, Valenzuela City.

Kinilala ang napatay na suspek na si dating PO2 Exequiel Sangko na kabilang sa drugs watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa impormasyon mula sa PDEA Regional Office National Capital Region (RO-NCR), nakipagtulungan sila sa mga pulis-Valenzuela upang magkasa ng operasyon laban kay Sangko.

Matapos ang transaksyon sa PDEA agent na nagpanggap bilang poseur buyer ay nakatunog ang suspek na entrapment operation pala ang ikinasa laban sa kanya. Kaya naman agad itong bumunot ng baril, ngunit naunahan ito ng PDEA agent sa pagpapaputok.

Agad na isinugod si Sangko sa Dalandanan Emergency Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng naka-duty na doktor.

Narekober mula sa suspek ang isang 9mm na baril at 30g ng hinihinalang shabu na tinatayang mayroong street value na P204,000.

Read more...