Mismong ang tagapagsalita ng Consultative Committee ay dismayado sa video ng “pepedederalismo jingle” na inilabas ni Presidential Communications Asec. Mocha Uson.
Sa pahayag na inilabas ni Ding Generoso siyang tagapagsalita ng ConCom, nilinaw nito na hindi nila kinuha si Uson na tagapagsalita para sa kampanya sa pederalismo tulad ng pinalalabas ni PCOO Sec. Martin Andanar.
Ang sinabi aniya niya ay posibleng makatulong ang malawak na presensya ni Uson sa social media sa pagpapa-alam sa taong bayan ng Federal form of government.
Naniniwala din ito na ang ginawa ni Uson ay hindi tamang paraan para ipresenta ang pederalismo.
Katunayan, kasalukuyan pa nilang isinasapinal ang mekanismo ng information campaign para dito.
Ang gusto aniya nila ay tutukan ng info campaign ang benepisyo ng federalism sa mga ordinaryong mamamayan lalo na sa mga malalayong lalawigan.
Kabilang dito ang paglikha ng trabaho at paglalapit sa mga tao ng mga serbisyo ng gobyerno tulad ng programa sa kalusugan at edukasyon.
Ayon pa kay Generoso, ang nasabing video ay pinost ni Uson, isang araw bago nila ito nakausap kasama ang ilang opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) .
Naganap ang nasabing pulong noong nakaraang Biyernes.