Pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasa 1,500 Pinoy sa Afghanistan na umuwi na sa bansa o di kaya ay maging maingat sa harap ng lumulubhang tensyon sa nasabing bansa.
Sa isang mensahe, hinikayat ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano ang mga Pinoy sa Afghanistan na karamihan ay nasa mga base militar na iwasan ang paglabas sa kanilang mga kampo.
Noong nakaraang linggo kasi 30 katao ang nasawi kasunod ng magkasunod na suicide bombing sa isang Mosque doon.
Base sa tala ng DFA, nasa 200 katao na ang namamatay dahil sa mga terror attack sa Afghanistan sa nakalipas na buwan.
Kaugnay nito sinabi ni Cayetano na handa ang embahada ng Pilipinas sa Islamabad na i-repatriate ang mga pinoy sa Afghanistan na desididong umuwi sa Pilipinas.
Samantala, nagpatupad na rin ang DFA ng travel at deployment ban sa Afghanistan dahil sa kalagayang pangseguridad doon.