Isang linggo bago ang paggunita ng undas, sinimulan nang linisin ang Manila North Cemetery na inaasahang dadagsain ng mga tao na bibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay mula sa Sabado, October 31.
Pinasok ng trak ng basura at may mga tauhan ng Metropolitan Manila Develoment Authority (MMDA) na nagtutulong-tulong sa paglilinis sa sementeryo.
Sa ngayon nakakapasok pa ang mga sasakyan sa loob ng sementeryo, pero simula sa ng hatinggabi ng October 29, isasara na ang sementeryo sa mga sasakyan na tatagal hanggang sa November 2, 2015.
Isang gate pa lamang ang bukas sa sementeryo at ito ang main entrance sa Dimasalang Street.
Ayon kay Daniel Tan, Director ng Manila North Cemetery, pagsapit ng November 1, ay bubuksan na ang Gate 2 at 3 sa kahabaan ng A. Bonifacio pero gagamitin itong exit lamang para sa mga palabas ng sementeryo.
Samantala, nakapaskil na rin sa gate ng sementeryo ang mga mahalagang abiso para sa mga dadayo doon sa undas.
Kabilang dito ang mga paalala na hanggang sa October 29 na lamang pwedeng maglinis at magpintura ng puntod ng mga yumao, at wala munang paglilibing o cremation mula October 29 hanggang sa November 2.
Bilang isa sa pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila na may lawak na 54 ektarya, isa ang Manila North Cemetery sa mga mahigpit na binabantayan lalo pa at noong nakaraang taong paggunita ng undas ay umabot sa 1.6 million ang mga taong dumagsa sa nasabing sementeryo.