Pinag-iinhibit ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa sa inihain niyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Inihain ni Marcos ang kaniyang petisyon sa Supreme Court na umaakto rin bilang Presidential Electoral Tribunal (PET).
Ayon kay Marcos, hindi maitatanggi ni Caguioa ang pagiging bias nito dahil siya ay kaibigan ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Hindi aniya lingid sa kaalaman ng lahat na si Caguioa ay kababata ni Aquino at magkaklase sila mula elementarya hanggang kolehiyo.
Noong pangulo pa aniya si Aquino ay itinalaga niya si Caguioa bilang Chief Presidential Legal Counsel, Justice Secretary at justice sa Korte Suprema.
Si Caguioa ang justice-in-charge sa election protest ni Marcos na nakabinbin ngayon sa PET.