Sinabi ni Senator Ping Lacson na kahit wala si Communications Asec. Mocha Uson patay na rin naman sa senado ang Pederalismo at mistulang ike-cremate na lang nila ito.
Ngunit ayon kay Lacson dahil sa viral video, itatapon pa ang mga abo ng Pederalismo na malayong-malayo sa 7,107 na magagandang isla ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Sen. Chiz Escudero, pagiging desperado na para makuha ang atensyon ng publiko ukol sa pederalismo ang ginawa ni Asec Mocha.
Aniya kabastusan, bulgar at walang lugar sa lipunan ang “Pepedederalismo video”.
Para naman kay Sen Risa Hontiveros, nakakababa ng pagkatao at nakakahiya ang ginawa ni Asec. Mocha.
Sabi naman ni Sen. JV Ejercito masama sa panlasa ang video at dapat hindi na maulit.
Hirit naman ni Sen. Nancy Binay napapanahon na talaga na mamili na si Asec. Mocha sa pagiging opisyal niya ng Malakanyang o pagiging video blogger.
Inilarawan naman bilang “pambababoy at kalaswaan” ni Senator Francis Pangilinan ang naturang video.
Giit ng senador hindi serbisyo publiko ang ginawa ni Uson at dapat aniya ay hindi ito palalagpasin ng Malakanyang.
Dagdag pa ni Pangilinan dapat ding magpaliwanag si Presidential Communications Sec. Martin Andnar sa mga kalaswaan at kababuyan na nangyayari sa kanyang tanggapan.