Arestado ang isang dating kapitan ng barangay sa bayan ng Guinayangan sa Quezon Province matapos mahulihan ng armas at mga bala.
Ayon kay Senior Supt. Osmundo de Guzman, Quezon police director, dinakip si Cornelio Quina, 68 anyos at dating kapitan ng Barangay Villa Hiwasayan.
Ito ay makaraang mahulihan siya sa ginawang pagsalakay sa kaniyang bahay Lunes ng umaga ng hindi lisensyadong mga armas.
Nasabat kay Quina ang caliber .45 Colt 1911 pistol, dalawang magazines at siyam na mga bala.
Ayon kay De Guzman, ang mga residente din sa lugar ang nag-tip sa mga pulis hinggil sa ilegal na armas ni Quina.
Ang operasyon ay bahagi ng anti-criminality campaign ng Quezon Police na “Oplan Salikop”.
Nakakulong na ngayon si Quina sa Guinayangan police jail at mahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.