Mocha Uson, Drew Olivar nasopla dahil sa ‘ipederalismo’ dance video

Mocha Uson Blog Facebook

Inuulan ng batikos ngayon sina Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson at blogger na si Drew Olivar.

Ito ay dahil sa isang video kung saan sumasayaw si Olivar habang kumakanta ng isang chant na may kakaibang lyrics para i-promote ang pederalismo.

Ang naturang video ay episode ng “Good News Game Show” ni Asec. Uson.

Sa kanyang twitter account, binatikos ni dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal ang video at tinawag itong ‘nakababahala’.

Sinabi ng dating opisyal na ang problema ay akala ng iilan sa kasalukuyan na ang pagtaguyod sa pederalismo ay biro-biro lamang.

Sumang-ayon si Fr. Ranhilio Aquino sa pahayag at sinabing siya rin ay nababahala.

Sa isa ring tweet ay binanatan ni Assemblyman Zia Alonto Adiong ang video at sinabing ang isyu ng pederalismo ay hindi isang biro lamang at mas malalim na paliwanag ang kailangan nito hindi tulad ng anya’y isang ‘toilet humor’ na ginawa ng dalawa.

Inulan naman ng batikos mula sa netizens ang video na ipinost ng meme page na ‘Malacañang Events and Catering Services’ na sa ngayon ay higit isang milyon na ang views at pinakamarami ang angry reactions.

Ayon sa mga netizens, ang ‘ipederalismo’ video ng dalawa ay tila pagbastos sa kapasidad ng mga Filipino na mag-isip habang ang iba pa ay nagsabing sayang ang buwis na kanilang ibinabayad at ipinasasahod sa Communications official.

Samantala, sinagot ni Asec. Uson ang samu’t saring batikos na natanggap dahil sa viral video.

Sa isang post sinabi nito na bago pa siya kausapin ng Consultative Committee (Con-Com) at ng Communications group ng Department of Interior and Local Government ay nai-shoot na nila ang video.

Anya pa, matagal na nilang ginagawa ang online game show at walang inilabas na pera para rito.

Nilinaw din ni Uson na hindi siya tagapagsalita o ambassadress para sa panukalang pederalismo ngunit katuwang lamang siya para maikampanya ito.

Tinira rin ng opisyal ang mga kritiko at sinabing ginamit at in-edit ang video na sinadyang alisin sa konteksto.

Katuwaan lamang anya ang game show at walang intensyong maliitin ang pederalismo na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang sinabi ng Malacañang na plano ng Con-Com na piliin si Uson para sa isang information drive tungkol sa pederalismo na paglalaanan ng budget na P90 milyon.

Read more...